Linggo, Oktubre 6, 2024

Apat na aklat sa unang linggo ng Oktubre

APAT NA AKLAT SA UNANG LINGGO NG OKTUBRE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa unang linggo pa lang ngayong Oktubre 2024 ay nagkaroon na agad ako ng apat na aklat, mga collector's item at pandagdag sa aking aklatan. Tatlo rito ang pampanitikan at isang pang-ideyolohiya.

Oktubre 2. Ang una'y handog ni misis sa akin upang mas mapaunlad ko pa ang aking pagsusulat. Iniregalo niya sa aking kaarawan ang aklat na On Writing ng batikang manunulat na si Stephen King. Una kong nabasa si Stephen King dalawang dekada na ang nakararaan - sa kanyang nobelang Pet Sematari. Maganda ang paglalarawan, kaya ninais ko ring maging kwentista balang araw, at ngayon nga ay nagsusulat ako ng maikling kwento sa pahayagang Taliba ng Maralita.

Oktubre 4. Ang ikalawa at ikatlong aklat ay mula sa dinaluhan kong General Assembly ng Green Convergence sa Environmental Science Institute (ESI) ng Miriam College. Habang nagbobotohan para sa apat na kataong dagdag sa pito kataong Executive Committee ng Green Convergence, nagpa-raffle ng mga painting at mga aklat. Ito'y mula kay Dra. Nina Galang na dating pangulo ng Green Convergence at retiradong guro sa Miriam College. Nang sinabi ang nabunot na numerong disinuwebe ay pangalan ko na pala iyon. Ang nakuha ko ay ang aklat na War and Peace, na nobela ng Rusong si Leo Tolstoy, at ang aklat na The Worldly Philosphers, The Great Economic Thinkers. Nakatala pa sa unahan ng aklat ang mga pangalan ng mga sikat na palaisip na sina Malthus, Thorstein Veblen, Karl Marx, David Ricardo, Maynard Keynes, at Adam Smith. Pang-ekonomya at pampulitika, na matapos ang asembliya ay agad akong humabol at nagtungo sa pagkilos ng mga kasama sa Comelec upang suportahan ang kandidatura nina Ka Leody De Guzman at Atty. Luke Espiritu sa pagka-Senador sa Halalan 2025.

Oktubre 5. Nakaanunsyo sa fb page ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) na may book launching ng aklat na Pauwi sa Wala ni Jim Libiran sa ikaanim ng gabi. Hapon pa lang ay naroon na ako sa Gateway sa libreng pelikulang Breaking the Cycle hinggil sa pulitika sa Thailand, na ginanap mula alauna hanggang ikalima ng hapon, handog ng grupong Dakila, at bilang bahagi ng Active Vista Human Rights Festival. Matapos ang pelikula ay may question and answer pa sa mga piling tagapagsalita, at mga nanood. Matapos iyon ay nagtungo na ako sa Street Kohi sa Daang Mayaman upang bumili ng aklat. Nabili ko ang librong Pauwi sa Wala ni Jim Libiran, nakapagpapirma ng aklat at nakapagpa-selfie rin sa awtor.

Iyan ang apat na libro ko ngayong unang Linggo ng Oktubre. Tanging ang Pauwi sa Wala ang aking ginastusan. Tunay na mahalaga para sa akin ang apat na aklat. Makabuluhang linggo ng Oktubre! Panahon naman ng pagbabasa!

apat na librong makabuluhan
ang tatlo rito'y pampanitikan
isa'y pang-ekonomya't lipunan
na pag binasa'y pag-iisipan

daghang salamat sa mga libro
sikat pa ang mga awtor nito
sadyang dagdag kaalaman ito
sa tibak at makatang tulad ko

mga librong kaygandang basahin
lalo't pagsulat ko'y sasanayin
matalinghagang tula'y isipin
akdang pang-ekonomya'y liripin

ako'y isang makatang lagalag
na nagnanais makapag-ambag
ng sulatin baka pumanatag
ang loob at bansang may bagabag

10.06.2024

Kamay ng Digmaan - salin ng tula ni Hosam Maarouf

KAMAY NG DIGMAAN
Tula ni Hosam Maarouf
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Tangan natin ang kamay ng digmaan,
hindi upang humakbang iyon kasama natin,
subalit iyon ang kamatayan,
bagamat makupad, inaakit natin ito.

Tangan natin ang kamay ng digmaan,
kumbinsidong ito na ang huling panahong
kumakaway sa atin ang malaking kapahamakan
lalo't walang saysay na dingding ang lansangan,

at hinahagilap ng bansa
ang isang litrato
ng kolektibong kalungkutan.

10.06.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Sabado, Oktubre 5, 2024

Sa paglulunsad ng librong "Pauwi sa Wala" ni Jim Libiran

SA PAGLULUNSAD NG LIBRONG "PAUWI SA WALA" NI JIM LIBIRAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Alauna ng hapon ng Oktubre 5, 2024, Sabado naroon na ako sa sinehan sa Gateway sa Cubao, Lungsod Quezon, upang manood ng Breaking the Cycle na handog ng Active Vista Human Rights Festival. Ang pelikula'y hinggil sa halalan at pulitika sa Thailand. Matapos ang panonood ng pelikula ay may question and answer portion pa.

Habang naroon ako'y nakita ko sa fb page ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) na book launching ng aklat ng isang kamakata, ikaanim ng gabi. Doon ay nagpasya akong puntahan iyon. Isang oras pa bago ko madaluhan ang nasabing paglulunsad ng aklat. Pasado ikalima ng hapon nang umalis na ako sa Gateway.

Ikaanim ng gabi, naroon na ako sa book launching ng librong Pauwi sa Wala, Paglalakad mula 1984 hanggang 2024, Mga Tula ni Jim Libiran at Mga Guhit ni Pinggot Zulueta. Umaabot ng 136 pahina. Nakipag-selfie na rin sa awtor. Naganap iyon sa Street Kohi sa Daang Mayaman sa Lungsod Quezon, malapit sa Daang Maginhawa.

Dalawa palang aklat ang ilulunsad sa araw na iyon. Ang una nga'y ang Pauwi sa Wala ni Jim Libiran. At ang isa pa'y ang Landas sa Ilang ni Ronald Araña Atilano. Ang nabili ko lang ay ang aklat ni Jim Libiran sa halagang P320, dahil limandaang piso na lang ang nasa pitaka ko, at inilaan ko na iyon sa aklat na Pauwi sa Wala. 

Nais ko ring bilhin ang kay Atilano at makapagpa-otograp sa awtor subalit wala na akong pambili. Sayang na pagkakataong nakapagpapirma sana sa kanya ng libro bago siya bumalik ng Australia. Ang halaga naman ng kanyang aklat ay P395. Kung nabili ko ang dalawa, gagastos ako ng P715.

Tingni ang pamagat ng dalawang aklat. Pauwi sa Wala at Landas sa Ilang. Aba'y sa pamagat pa lang, para nang pinagtiyap. Pauwi ba sa wala ang landas sa ilang? Ang nilalandas mo bang ilang ay mauuwi sa wala? O wala kang nilalandas kaya naiilang ka sa pag-uwi?

Para sa mga pultaym na tibak na halos walang alawans at nagsusulat din ng mga tula, malaking bagay na rin na nakabili ako ng aklat ni Jim Libiran. Ang nalalabi kong alawans na P500 ay may kinapuntahang makabuluhan dahil nakasuporta ako sa kapwa manunulat at makata. Bale ito ang pang-apat na aklat ko ngayong Oktubre 2024.

Ang unang aklat ay sa kaarawan ko nitong Oktubre 2, kung saan iniregalo sa akin ni misis ang aklat na On Writing ng kilalang awtor na si Stephen King. Nitong Oktubre 4 naman, sa General Assembly ng Green Convergence ay nagpa-raffle ng libro, at ang nakuha ko'y ang War and Peace ni Leo Tolstoy at ang aklat na The Worldly Philosophers na pinamigay ni Dra. Nina Galang na dating pangulo ng Green Convergence at mula sa Environmental Studies Institute (ESI) ng Miriam College. At ang pang-apat nga'y ang Pauwi sa Wala.

Ikapito ng gabi ay nagpasya na akong umalis sa Street Kohi upang umuwi, bagamat may programa pa at maraming inumin. Ang paalam ko lang kasi kay misis ay manonood sa Gateway ng Breaking the Cycle at matapos iyon ay uuwi na. Subalit dahil nga lunsad-aklat iyon ay agad kong pinuntahan. Bandang ikawalo na ng gabi nang makauwi na ako sa bahay.

aba'y mabuti na lang at agad kong natuklasan
ang aklat na Pauwi sa Wala ni Jim Libiran
matapos manood ng pelikula mula Thailand
ay nagpasyang agad magtungo sa aklat-lunsaran

ngunit dalawa pala ang inilunsad na libro
subalit kulang na ang pera, ang isa pa'y ito:
Landas sa Ilang ni Ronald Araña Atilano
na kung nabili ko lang sana'y napapirmahan ko

Pauwi sa Wala, Landas sa Ilang; sa pamagat
pa lang, ang dalawang aklat na'y parang pinagtiyap
tingin ko nga, ito'y aklat ng danas at pangarap
upang pagnilayan ang lipunan ng dukha't salat

gayunman, salamat, may iba pang pagkakataon
upang mabili ang di ko nabiling librong iyon
babasahin ko muna ang mga aklat ko ngayon
matapos ang trabaho't magpapahinga paglaon

sa bawat awtor, taospuso kong pasasalamat
dahil may panibago akong babasahing aklat
nang mapahusay pa ang pagsusuri ko't pagsulat
upang bayan sa lipunang makatao'y mamulat

10.05.2024

Tangina sa mapanlinlang n'yong lektura, namamatay na ang aming mamamayan - tula ni Noor Hindi

TANGINA SA MAPANLINLANG N'YONG LEKTURA,
NAMAMATAY NA ANG AMING MAMAMAYAN
Tula ni Noor Hindi
(Salin ng tulang Palestino)
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Nagsusulat hinggil sa mga bulaklak ang mga kolonyador.
Kinukwento ko sa inyo ang tungkol sa mga batang nambabato ng mga tangke ng Israel ilang segundo bago sila maging kampupot.
Nais kong maging katulad ng mga makatang nagmamalasakit sa buwan.
Hindi nakikita ng mga Palestino ang buwan mula sa mga selda ng piitan at mga bilangguan.
Ay, napakaganda ng buwan.
Napakaganda nila, ang mga bulaklak.
Pumipitas ako ng mga bulaklak alay sa namatay kong ama pag ako'y nalulungkot.
Buong araw siyang nanonood ng Al Jazeera.
Sana'y tigilan na ni Jessica ang pagte-text sa akin ng Maligayang Ramadan.
Alam kong Amerikano ako dahil pag ako'y pumasok sa isang silid, may namamatay.
Ang talinghaga hinggil sa kamatayan para sa mga makatang naninilay na naiingayan ang mga multo.
Pag ako'y namatay, ipinangangako kong dadalawin kita palagi.
Darating ang araw na isusulat ko ang tungkol sa mga bulaklak na animo'y ating angkin.

10.05.2024

Pinaghalawan ng tula mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Biyernes, Oktubre 4, 2024

Ang puno ng Carob - salin ng tula ni Tariq Alarabi

ANG PUNO NG CAROB
Tula ni Tariq Alarabi
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Nais kitang kausapin. Kaytagal na 
noong may kumausap sa akin, walang sinuman sa paligid
nang sinabi sa akin ang mga bagay na sinasabi ko sa iyo
habang ako'y naglalakad ng tulog.
Halimbawa, kahapon ng 3n.u. ay nagpaulan ang mga sundalo
ng mga bombang tirgas, sampung manggagawa
ang nagsisiksikan sa isang walk-in refrigerator 
para sa mga produkto.
At ang gas, parang krudong tumapon sa dagat,
isang sunog sa gubat ang pumailanlang sa ere.

Nabunot ang puno ng carob.
Hindi ko pa alam kung anong kagaya mo
pag nilagnat ka.
Mura ang kamatis ngayong panahon
at malungkot ang mga magsasaka.
Tinipon ko ang mga magagandang kamatis para sa iyo.
Sa mga bagay na ginagawa ko pagkagising
Sinusuri ko ang panahon.
Kayrami ng mga entusyastiko ng klima sa Palestine, 
tulad ng mga tagasunod ng mga produkto 
ng kutis sa Instagram.

At isa pa, bagamat dito'y wala ka pa:
nais mo ba ng talong?

10.04.2024

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Huwebes, Oktubre 3, 2024

Sapat na sa akin - tula ni Fadwa Tuqan (makatang Palestino)

SAPAT NA SA AKIN
Tula ni Fadwa Tuqan
(Salin ng tulang Palestino)
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Sapat na sa aking mamatay sa kanyang lupa
mailibing sa kanya
upang malusaw at maglaho sa kanyang lupa
pagkatapos ay sisibol na animo'y bulaklak
na nilalaro ng isang paslit mula sa aking bansa.

Sapat na sa akin ang manatili
sa pagkayapos ng aking bansa
na nasa kanyang sinapupupunan
bilang isang dakot ng alikabok
isang suwi ng damo
isang bulaklak.

10.03.2024

Pinaghalawan ng tula at litrato mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Jigsaw puzzle sa selpon

JIGSAW PUZZLE SA SELPON

mahilig sa jigsaw puzzle simula't sapul
bata pa ako'y bumibili na sa bookstore
ng jigsaw puzzle na lalaruin sa iskul
o sa bahay, doon oras ay ginugugol

lumipas ang dalawa o tatlong dekada
jigsaw puzzle sa selpon ay aking nakita
bukod sa Sudoku, Word Connect, at iba pa
jigsaw puzzle ay agad dinawnlod talaga

matapos ang pagtatrabaho ko maghapon
bilang pahinga'y lalaruin na sa selpon
ang jigsaw puzzle na katulad pa rin noon
di na gumagastos upang laruin iyon

noon, kasama kong maglaro ang kapatid
ngayon, mag-isa kong nilalaro sa gilid
gayunman, salamat, may saya itong hatid
upang sa anumang bisyo'y di rin mabulid

- gregoriovbituinjr.
10.03.2024

Miyerkules, Oktubre 2, 2024

Librong On Writing ni Stephen King, pa-bertdey ni misis

LIBRONG ON WRITING NI STEPHEN KING, PA-BERTDEY NI MISIS

ang regalo ni misis sa akin
ang pangarap kong librong On Writing 
ng nobelistang si Stephen King
upang pagsulat ko'y paghusayin

kaytagal ko iyong hinagilap
sa maraming tindahan ng aklat
subalit lagi nang walang stock
sa online lang ni misis nahanap

nagbabakasakaling matuto
at mapaunlad ang pagkukwento
lalo't ngayon aking napagtanto
maging nobelista'y pangarap ko

buti't nagkaroon nitong aklat
na sa akin makapagmumulat
upang sa pagsulat pa'y umunlad
upang humusay sa paglalahad

- gregoriovbituinjr.
10.02.2024

Pitong Southeast Asian Short Films sa UP Film Institute

PITONG SOUTHEAST ASIAN SHORT FILMS SA UP FILM INSTITUTE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Walang nadaluhang rali ngayong kaarawan ko. Kaya nagtungo na lang ako sa UP Film Institute upang manood ng Southeast Asian Short Films na handog ng Active Vista Human Rights Film Festival. Naroon din si kasamang Gani Abunda ng Institute for International Dialogue (IID). Bale pitong short film ang napanood namin sa loob ng dalawang oras, plus panayam sa mga direktor.

May ibinigay na screening ticket at pamphlet hinggil sa 12th Active Vista Human Rights Festival. At doon ko nabasa ang pitong maiikling pelikulang aming pinanood. Tatlo ang ginawa ng mga Pinoy, at tig-isa mula sa Myanmar, Thailand, Malaysia at Indonesia. Nais ko itong isa-isahin:

1. Bersama Membangun Negeri (Always Until Victory)
by Deo Mahameru (Indonesia)
- isang babaeng pulitiko ang nagpapagawa ng bidyo para sa kanyang kampanya, at nais niyang paluhain ang isang biyuda, subalit hindi makuha ng biyuda ang nais na pagluha ng pulitiko, maraming nag-aplay upang umiyak subalit hindi nakuha. Sa kalaunan, nagalit sa pulitiko ang biyuda at sinapok ito. Doon na natapos ang kwento. Mukhang hindi naman mananalo ang babaeng pulitiko dahil sa kanyang kagagawan.

2. Garek 
by Cech Adrea (Malaysia)
 - may babaeng naanakan at walang ama ang nakitang bagong gising, pinag-uusapan siya ng mga naroon, habang may isa pang batang babaeng ipapakasal nila sa iba dahil usapan ng mga magulang

3. Pomi Pothoe
by Chaweng Chaiyawan (Thailand)
- parang may seremonyas dito, na parang aswang, dahil ipinapakita ang isang lalaking payat na nagsasayaw sa kagubatan, habang may kalalakihan namang may riple ang gumagalugad sa kagubatan, may eksena pa ng taggutom ang mga taong nais lumikas

4. Guilt
by Na Gyi (Myanmar)
- may bilanggong tinotortyur habang may babaeng aktibistang tumakas ng bansa matapos ang kudeta ng Pebrero 2021, inihatid ng isang lalaki ang dalagang tibak upang makasakay ng awto paalis sa bansa. Pinakita rin ang interogasyon sa isang bilanggong putok ang kaliwang mata

5. The night is drunk when we suffer
by RS Magtaas (Pilipinas)
- ipinakitang lasing ang isang nanay kung saan buong gabi siyang nagtatatalak dahil sa kanyang mga naranasang pagdurusa tulad ng pag-iwan sa kanya ng kanyang asawa, mag pagkamakata ang tagapagsalaysay dahil sa kanyang mga talinghaga at paglalaro ng mga salita

6. Tingog sa Carbohanon
by Lance Christian Gabriel (Pilipinas)
- kwento ito ng mga manininda sa lugar ng Carbon sa Cebu, na sa kalaunan ay dinemolis upang pagtayuan ng malaking mall

7. Hito
by Stephen Lopez (Philippines)
- may pagka-sureyal o hindi makatotohanan ang pagkakasalaysay sa kwento, dahil kinakausap ng hito ang isang batang babae, pinakita rito ang panahon ng batas militar

Matapos ang mga palabas ay nagkaroon ng tatlumpung minutong question and answer, kung saan ang naroong mga tagapagsalita ay sina Gani Abunda ng IID, direktor Lance Gabriel, at direktor Stephen Lopez. Di na ako nakapag-notes ng kanilang mga sinabi, lalo na't ang mga nagtanong ay pawang mga kabataan.

Bagamat marami na rin akong naisulat na maikling kwento, na nalalathala sa blog at sa pahayagang Taliba ng Maralita, ito ang hindi ko pa nagagawa, ang paglikha ng maikling pelikula. Dahil sa tulad kong aktibistang pultaym, mahal magsagawa ng ganitong mga pelikula, kahit maiikli lang. Subalit nais ko ring subukan. Lalo na't ang paksa ay hinggil sa karapatang pantao, paghahanap ng panlipunang hustisya, usaping manggagawa at maralita, at pagbabago ng bulok na sistema.

nanood ako ng pitong pelikulang Asyano
mula sa Timog Silangang Asya
ito ang aking aktibidad sa kaarawan ko
isyung karapatan at hustisya

ninais ko'y isang makabuluhang pagdiriwang
kaysa tumagay sa kaarawan
lalo na't uhaw sa katarungan ang lupang tigang
mabuting batid ang kasaysayan

sa kawalang hustisya ba'y basta lang di iimik
ano nga bang iyong nalilirip
pag ang isang bansa sa inhustisya'y tumitirik
hustisya ba'y isang panaginip

mga pelikulang nasabi'y aking napanood
dahil walang magawa sa bahay
ngunit mga isyung sa puso't diwa ko'y umanod
na hanggang ngayon pa'y naninilay

10.02.2024

Nais namin ng mas maayos na kamatayan - tula ni Mosab Abu Toha (makatang Palestino)

NAIS NAMIN NG MAS MAAYOS NA KAMATAYAN
Tula ni Mosab Abu Toha
(Salin ng tulang Palestino)
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Nais namin ng mas maayos na kamatayan.
Pinapangit at pinilipit ang aming katawan
ng burda ng mga punglo at granadang nagputukan.
Mali ang bigkas ng aming pangalan
sa radyo at telebisyon
Ang aming larawang nakadikit sa dingding 
ng aming gusali ay kumupas na't namutla.
Nawala ang mga nakaukit na tala sa aming lapida,
na natatakpan ng dumi ng mga ibon at bayabag.
Walang nagdidilig sa mga punong nagbibigay 
ng lilim sa aming libingan.
Ang nagliliyab na araw ay nagapi 
ng aming naaagnas na katawan.

10.01.2024

Pinaghalawan ng tula mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People

Martes, Oktubre 1, 2024

Kung dapat akong mamatay - tula ni Refaat Alareer (makatang Palestino)

KUNG DAPAT AKONG MAMATAY
TULA NI REFAAT ALAREER
(Salin ng tulang Palestino)
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Kung dapat akong mamatay,
dapat kang mabuhay
upang isalaysay ang aking kwento
upang ibenta ang mga gamit ko
upang bumili ng isang pirasong tela
at ilang mga pulseras,
(gawin itong puting may mahabang buntot)
upang ang isang musmos, saanmang lugar sa Gaza
habang mata'y nakatitig sa langit
nag-aabang sa kanyang amang umalis nang naglalagablab—
nang hindi nagpaalam kahit kanino
hindi man lang sa laman ng kanyang laman
o maging sa kanyang sarili—
nakikita ang saranggola, ang saranggolang
ginawa mo, na lumilipad sa itaas
at saglit na naisip na mayroong anghel doon
na bumabalik nang may pag-ibig
Kung dapat akong mamatay
hayaang dalhin nito'y pag-asa
hayaang ito'y maging kwento 

10.01.2024

Pinaghalawan ng tula mula sa kawing na: 
https://inthesetimes.com/article/refaat-alareer-israeli-occupation-palestine
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People